Quantcast
Channel: Police – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 8129

Sabay-sabay na protesta vs demolisyon, ikinasa ng mga maralita

$
0
0

SA kabila ng pagbabawal ng kapulisan sa paglulunsad ng protesta malapit sa Batasang Pambansa sa araw ng State of the Nation Adress ni Pangulong Aquino, pinaghahandaan na ng mga maralita ang malakihang pagpapakilos sa araw ng SONA sa kanilang synchronized protest na inilunsad ngayong hapon.

Sa ganap na alas-5 ng hapon, maglulunsad ng sabay-sabay na protesta ang mga residente ang mga barangay sa paligid ng Batasan Pambansa gaya ng Barangay Commonwealth, Payatas, Batasan, Bagong Silangan, at Holy Spirit.

Liban sa Quezon City, naglunsad din ng protesta ang iba pang komunidad sa Caloocan City, Mandaluyong City at San Juan City. Lumahok din ang mga relocatees sa Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal.

Pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) at Alyansa Kontra Demolisyon ang nasabing pagtitipon upang ipanawagan sa administrasyong Aquino na agarang wakasan ang malawakang demolisyon ng mga maralitang komunidad para bigyang pabor ang malalaking negosyante at dayuhan.

Protesta sa Trinoma

Samantala ang mga residente ng North Triangle ay naglunsad naman ng candle-lighting protest sa labas ng Trinoma sa North Avenue. Sinamahan sila ng mga seminarista at iba pang taong-simbahan mula sa Church-Urban Poor Solidarity.

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, lider ng lokal na Alyansa sa North Triangle, at tagapagsalita ng Alyansa Kontra Demolisyon, higit sa 24,000 pamilya ang tinatanggalan ng karapatan ni Ayala at ng gobyerno para mabuhay ng matisaway simula ng ipatupad ang proyektong Quezon City Central Business District.

Marami umano sa kanila ang nalipat sa mga relokasyon sa Montalban at Bulacan na higit na nagpalala pa sa kanilang hirap na kalagayan.

Pananalasa ni Aquino

Sa termino ni Aquino, aabot sa 584,000 pamilyang maralita ang nakatangkang palayasin ng gobyerno mula sa kanilang mga komunidad sa Metro Manila.

Higit sa 100,000 pamilya sa mga ito ang nakatira sa tabi ng mga daanan ng tubig na itinuturing ng gobyernong peligrosong lugar.

Ang malupit pa umano, sa loob ng panunungkulan ni Aquino, hindi bababa sa 72,000 pamilya ang dumanas ng mga banta ng demolisyon at nawalan ng tahanan. Hindi rin bababa sa 13 maralita ang napaslang sa pagtatanggol nila sa kanilang lupang panirikan.

59 komunidad sa QC, idedemolis

Samantala, sa datos na nakalap ng KADAMAY, hindi bababa sa 59 na komunidad ng maralita ang nakatangkang gibain ng lokal na pamahalaan ng QC.

“Hindi pa dito kasama ang malalaking komunidad gaya ng North Triangle at mga komunidad na tatamaan ng National Government Center Housing Project na kasalukyang nakabarikada laban sa demolisyon,” ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng KADAMAY.

“Tiyak na malaking bahagi ng maralitang sasama sa protesta sa SONA ni Aquino ay magmumula sa QC,” ayon sa lider.

The post Sabay-sabay na protesta vs demolisyon, ikinasa ng mga maralita appeared first on Remate.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 8129


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>