ARESTADO ng mga tunay na tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang lalaking nagpanggap na pulis nang maaktuhan ang mga ito sa isinasagawa nilang tangkang pagkarnap sa isang motorsiklo kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Nakasuot pa ng uniporme ng pulis nang madakip ang dalawang suspek na nakilalang sina Miguel Lawrence Salvador, 39, ng Brgy Masili, Calamba, Laguna at Jonathan Dimaano, 30, ng B-35 L-14, Central Bicutan, Taguig City habang nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ng INTEL/ANCAR ng Las Piñas City Police na pinangunahan ni C/Insp. Marlo Solero.
Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Aristotle Raquion ng Station Investigation and Detective Management Station ng Las Piñas City Police, dakong alas-5 kamakalawa ng hapon habang nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ni Solero sa harap ng Golden Haven Cemetery sa C5 road, Pulanglupa 1 ng nasabing lungsod nang mamataan ng mga ito si Salvador na nakauniporme pa ng pulis na pinapatungan ng isang plakang may nakalagay pang “PULIS” ang isang itim na motorsiklo.
Nilapitan ng operatiba si Salvador ngunit nang mamataan nito ang iba pang paparating na pulis ay mabilis itong tumakbo patungo sa kasabwat nitong si Dimaano na nagaabang sakay naman sa motorsiklo nito, upang tumakas.
Bigo naman ang dalawa sa planong pagtakas dahil agad silang nahuli ng mga awtoridad.
Kasalukuyang nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong carnapping, usurpation of authority or official function at illegal possession of pick pock.
The post 2 peke na pulis, tiklo sa Las Piñas appeared first on Remate.