PATAY ang 24-anyos na motorcycle rider nang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa likurang bahagi ng pampasaherong bus, na nagulungan pa makaraang tangkain ng biktima na lagpasan ang naturang sasakyan kaninang umaga sa Pasay City.
Basag ang bungo at agad binawian ng buhay ang biktimang si Reynaldo Inoc, ng 3710 Mabini St., Don Galo, Parañaque City matapos pumailalim at magulungan ng Malanday Metro Link Bus (TWR-315) na minamaneho ni Federico Bartolome, Jr., 50 sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Kusang loob naman na sumuko sa pulisya ang driver ng pampasaherong bus at ikinaila nito na nasagi niya ang motorsiklong minamaneho ng biktima at iginiit na sa sobrang bilis ng takbo ng motorsiklo ay sumadsad ito sa bangketa na naging dahilan upang tumilapon at mabagok ang ulo sa semento.
Batay sa report ni PO3 Marianito Agas ng Pasay City Traffic Management Unit, alas-7:20 ng umaga nang manggaling ng Ayala at patungo na sa Baclaran ang minamanehong bus ni Bartolome nang tangkaing lagpasan ng nakamotorsiklong biktima paglagpas sa bahagi ng Gil Puyat Avenue.
Sa sobrang bilis ng motorsiklo, sumadsad ito sa bangketa kaya’t nawalan ng balanse ang biktima na naging dahilan upang tumilapon at mapailalim sa naturang bus.
Dalawa namang pasahero ng bus ang tumayong testigo at nagpatunay sa kanilang sinumpaang salaysay na walang kasalanan ang driver na si Bartolome sa naturang insidente.
The post Motorcycle rider sumalpok sa bus, tepok appeared first on Remate.