SUMUKO sa awtoridad ang isang 12-anyos na child warrior ng New People’s Army (NPA) sa Quezon, ayon sa ulat nitong nakaraang Lunes ng Philippine National Police (PNP).
Sa kanilang ipinost na news site, sinabi ng PNP na ang batang lalaki na sumuko noong Hulyo 17, ay tubong Nabua sa Camarines Sur sa Bicol.
Pero sumanib ito sa NPA unit na nag-ooperasyon sa ikatlong distrito ng Quezon province nang siya ay 9-anyos pa lamang, ayon pa sa PNP.
Sinabi ng PNP na ang bata ay sumuko sa Lopez town police at ngayon ay nasa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Lopez.
Ayon sa paslit, ni-recruit siya ng mga rebelde habang siya ay gumagawa ng uling sa Lopez, Quezon matapos na siya maglayas sa kanilang bahay noong 2010.
Pinalakas naman ng Department of Social Welfare and Development ang kanilang pagmo-monitor para matiyak na hindi magamit ang kabataan sa armed conflict.
The post 12-anyos na NPA child warrior, sumuko sa Quezon appeared first on Remate.