HINAHANTING na ng pulisya ang isang ama ng tahanan upang panagutin sa pagpatay sa kanyang sariling anak sa Quezon City kahapon.
Ang suspek na si Alexander Dingcong Sr., 49, ng Hilltop Street, Mindanao Extension sa Fairview, ay tumakas matapos pagsasaksakin ang kanyang 20-anyos na anak na si Alexander Dingcong Jr.
Si Dingcong Jr. ay namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ayon sa imbestigayon ni PO2 Jogene Hernandez ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang insidente ay naganap nitong 5 p.m. nitong Linggo sa loob ng mismong bahay ng mag-ama.
Sinabi ni Hernandez na bago ang insidente, nag-iinuman ang mag-ama kasama ang ilan sa kanilang kapitbahay nang biglang magpaalam ang biktima na sasaglit lamang sa Barangay Payatas, na di naman pinayagan ng salarin.
Sa pagkadismaya, may ibinatong bagay ang biktima at saka pinagdabugan ang kanyang ama na humantong sa mainit na argumento.
Sa gitna ng batuhan ng maaanghang na salita, dinampot ng matandang Dingcong ang ice pick na nasa mesa at pinagsasaksak ang biktima bago tumakas.
The post Anak nagdamog, pinagsasaksak ng tatay appeared first on Remate.