SUGATAN ang may 20 pasahero nang sumalpok ang isang kotse sa pampasaherong jeep kagabi sa Espana, Maynila.
Ayon sa Manila Traffic Bureau, dakong alas 11:00 kagabi nang maganap ang insidente sa Espana at Craig St. sa Maynila.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property at multiple physical injuries si Sandy Baldonado, driver ng kotse, na aminadong nakainom at inantok nang maganap ang insidente.
Bumangga ang kotse ni Baldonado sa pampasaherong jeep na minamaneho naman ni Victor Bassi na may biyaheng Cubao.
Nasa 22 umano ang sakay ni Bassi nang salpukin ni Baldonado ang likurang bahagi ng kanyang jeep dahilan upang magtamo ng bahagyang mga sugat o minor injuries ang kanyang mga pasahero.
Isa sa pasahero naman ang napuruhan na si Monolito Custodio kaya agad itong isinugod sa ospital.
Nagtamo rin ng sugat si Baldonado na hindi agad nakalabas sa kanyang kotse matapos mawasak naman ang harapan ng kanyang sasakyan nang pumailalim ito sa likod ng jeep dahil sa bilis ng kanyang takbo.
The post Kotse sumalpok sa jeep, 22 sugatan appeared first on Remate.