NAARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang suspek na nanghalay at pumatay sa isang anim-na-taong gulang na batang mag-aaral sa Candelaria, Quezon noong isang linggo.
Hawak ng NBI ang mga suspek na sina Edgar “Egay” Cultura Ramos, 42 at Rolando “Juzzar” Gutlay De Chavez, 46, karpentero, kapwa residente sa Barangay Pahinga Norte, Candelaria, Quezon.
Ayon sa NBI, humingi ng tulong sa NBI Lucena District Office (LUCDO) na pinamumunuan ni Head Agent Olivo Ramos ang ama ng biktima na si Renato Lopez noong July 23, 2013, matapos na matagpuang patay ang kanyang 6-anyos na anak na babae sa isang kanal.
Sa salaysay ni Lopez, dumating ang kanyang anak mula sa eskuwelahan noong July 22 ng hapon at lumabas din ng bahay upang maglaro.
Gayunman, ilang oras na ang nakalilipas ngunit hindi umuuwi ang kanyang anak kaya humingi na siya ng tulong sa mga kapitbahay at mga opisyal ng barangay upang matunton ang nawawalang anak.
Makaraan ang walong oras na paghahanap, natagpuan ang biktima na nakalutang sa isang kanal na natatakpan ng mga basura at tanging cycling shorts lamang ang suot.
Sa imbestigasyon, natuklasan ng NBI ang mga patak ng dugo sa bahay ni Ramos, nang isailalim naman sa interogasyon si Ramos at si De Chavez, sa harap ng kanilang abogado ay inamin ng dalawang suspek ang krimen.
Sinabi naman ng mga suspek na nag-iinuman sila noong July 21 hanggang 22 kasama ang ilang kaibigan dahil kaarawan ni Ramos.
Ganap na alas dos naman noong July 22, na nag-uwian ang kanilang mga kainuman nang mapadaan ang biktima sa bahay ni Ramos, nang oras na iyon umano ay nagbalik naman ang suspek na si De Chavez na nakakita sa nagdaraang biktima na kanyang hinatak, saka ipinasok sa loob ng bahay.
Nang magsimula na umanong umiyak ang biktima, pinukpok umano nila ng lead pipe ang biktima, at nang mawalan ng malay ay halinhinan nilang ginahasa.
Inamin din ng dalawa na nang gumabi ay itinapon nila sa kanal ang katawan ng bata na inakala nilang tatangayin ng malakas na agos na dulot ng ulan.
Ang mga suspek ay kinasuhan na ng rape with homicide sa Quezon Provincial Prosecutor’s Office.
The post 2 suspek sa rape slay sa 6 yr. old, arestado appeared first on Remate.