PATONG-PATONG na kasong kidnapping, carnapping, extortion at robbery ang isinampa laban sa isang police officer na nahuli ng mga awtoridad sa Cagayan de Oro City.
Kinilala ang suspek na si P01 Junrel Barrientos, kasalukuyang nakatalaga sa City Special Operations Group (CSOG), Cagayan de Oro City Police Office (COCPO).
Ayon sa pahayag ni Supt. Danildo Tumanda, hepe ng City Public Safety Company (CPSC) sa COCPO, kanilang nahuli ang suspek sa pamamagitan ng entrapment operation sa Yacapin Extension sa lungsod.
Sinabi ni Tumanda na nag-ugat ang pagkahuli ng suspek dahil sa iligal na pag-aresto nito sa isang biktimang kinilalang si Nathan Uy sa akusasyon na isa itong drug pusher.
Subalit nabigo umano si Barrientos na makakuha ng droga sa posisyon ni Uy kaya kinotongan na lamang ito ng tinatayang P200,000 kapalit ng kanyang kalayaan.
Subalit masyado umanong malaki ang hinihingi ng suspek kaya umapela si Uy na magbigay na lamang ng high powered turbine na nagkakahalaga ng P300,000 at P5,000 cash money.
Sumang-ayon naman ang grupo ng suspek dahilan upang mangyari ang bayaran sa Yacapin Extension nitong lungsod.
Ang hindi alam ng mga suspek ay napalibutan na pala ng tropa ng CPSC ang lugar na naging dahilan sa pagkaaresto nito.
Una rito, nagdala pa ng ilang tauhan si Barrientos sa lugar upang agad sanang makuha ang ibinigay ng biktima.
Kinumpiska na ang motorsiklo ng biktima na ginamit ni Barrientos bilang get away vehicle nang mangyari ang ilang minutong habulan.
The post Nangongotong na pulis, tiklo sa entrapment operation appeared first on Remate.