HINAHANAP ng Manila Police District ang isang taxi driver matapos na dumulog sa pulisya ang isang 21-anyos na Chinese national na nakaiwan ng isang bag na may lamang mamahaling kagamitan kaninang umaga sa Malate, Maynila.
Personal na dumulog sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section (GAS) ang biktimang si Hu Piero, estudaynte ng Ateneo de Manila University (ADMU) at resident eng 943 Estrada St., Malate, Maynila.
Sa report ni PO2 Marlon Santos ng MPD-GAS, dakong 12:20 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.
Ayon sa salaysay ni Hu, galing sila sa Mall of Asia (MOA) sa Pasay City kasama ang ilang kaibigan kung saan sumakay sila ng taxi (UVB) na may marking na “Kaxam taxi” at nagpahatid sa kanilang bahay sa Estrada St.
Dahil sa pagmamadali ay bumaba ang biktima at nakalimutan nito ang kanyang kulay itim na bag na may laman na cash, flight ticket at VISA nang nailapag nito sa kanyang upuan.
Huli na nang maalala ng biktima at tinangkang habulin ang driver ng taxi subalit mabilis itong nakaalis bagama’t nakuha naman nito ang plate number ng taxi.
“Nanawagan ang biktima sa taxi driver na maibalik ang kanyang bag dahil naroon ang kanyang flight ticket at VISA dahil kailangan niya ito,” ayon kay PO2 Santos.
The post Taxi driver, pinaghahanap appeared first on Remate.