SA unang araw ng pagbubukas ng Southwest Integrated Provincial Terminal sa Coastal Mall sa Parañaque City ay agad itong inulan ng reklamo mula sa mga pasahero na hindi lamang doble ang ginagastos sa pamasahe kundi na-stranded pa dahil walang masakyan na maghahatid patungo sa kanilang destinasyon.
Batay sa reklamo ng mga naapektuhang commuters, wala silang masakyang pampasaherong jeep o UV Express man lang upang maihatid sila sa kanilang patutunguhan sa loob ng Metro Manila kaya nagkalat ang mga pasahero sa Coastal Road na isa sa naging sanhi ng mabagal na usad ng trapiko.
Inireklamo rin ng ilang pasahero ang gilid ng naturang Coastal Mall na walang bubong lalo na kapag umuulan dahil mababasa ang mga naglalakad. May bahagi pa sa naturang lugar na nahirapan silang makatawid dahil sa malalim na tubig-baha.
Aberya rin ang bagong terminal para sa mga pasaherong may sakit at may dalang bata.
Bukod sa reklamo ng commuters, napansin din ang kalituhan ng ilang bus drivers kung saan lumikha pa ito ng pagsisikip ng trapiko sa Coastal Road dahil sa paghinto at pagparada ng provincial buses buhat sa Cavite at Batangas dahil sa walang koordinasyon kung paano sila papasok at lalabas ng terminal.
Ayon sa ilang driver, kakulangan sa traffic enforcer at tauhan ng MMDA ang nakikita nilang dahilan kaya kulang sila sa koordinasyon sa naturang terminal gayundin ang kakulangan ng “signages” na siya namang susundan ng mga tsuper ng bus.
The post Terminal sa Coastal Mall, inulan ng reklamo appeared first on Remate.