DAHIL sa hindi napagkaperahan, pinalaya na rin nang walang kapalit na ransom money ang isang Malaysian national na dinukot ng Abu Sayyaf rebels noong nakaraang taon sa isang oil plantation sa Lahad Datu, Sabah.
Kaninang ala-1:30 ng madaling-araw, Agosto 6, natagpuan ng mga nagpapatrolyang mga tauhan ng Sulu PNP ang biktimang si Tung Wee Jie, 26, habang naglalakad sa may Barangay Pasil sa munisipyo ng Indanan, Sulu.
Itinakbo sa Sulu Provincial Hospital ang biktima para sa kaukulang medical attention pero agad ding inilipat sa PNP headquarters sa Sulu para naman sa kaligtasan nito.
Sa salaysay ng biktima, pinayagan na siyang makatakas ng kanyang kidnappers dahil na rin sa kanyang kalagayan bukod pa sa wala namang nangyari sa paghingi ng ransom money sa kanyang pamilya.
Sinabi rin ni Jie, na namatay na noong nakaraang Marso ang kanyang pinsan na si Tung Wee Fei na kasama niyang dinukot sanhi ng malubhang sakit.
Dadalhin naman agad sa Maynila si Jie para iharap sa mga opisyal ng Malaysian embassy at maiproseso ang pagbalik niya sa kanyang bansa.
Kung maalala, dinukot ang nasabing banyaga noong ika-13 ng Nobyembre 2012 kasama ang kanyang pinsan na si Fei at dinala ng kidnappers sa lalawigan ng Sulu.
The post Malaysian na dinukot sa Sabah, nakita sa Sulu appeared first on Remate.