PINAGSASAKSAK hanggang sa mapatay ng isang fish vendor ang 30-anyos na construction worker nang mag-krus ang kanilang landas at muling naungkat ang kanilang dati nang alitan sa Muntinlupa City.
Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa si Victor Alsonado, ng 578 Lovely St., Purok 4, Barangay Cupang, sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Naaresto sa isinagawang follow up operation ng pulisya ang suspek na si Ronald Languido, 31 tubong Masbate at naninirahan din sa naturang lugar matapos siyang ituro ng mga nakasaksi sa krimen.
Batay sa ulat ni SPO1 Eduardo Rodaje II ng Criminal Investigation Unit ng Muntinlupa police, lasing umano ang biktima nang mapadaan sa tapat ng bahay ng suspek pasado alas-5 ng hapon.
Hinala ng pulisya na may matagal ng alitan ang dalawa kaya’t sumiklab umano ang mainitang pagtatalo hanggang makakuha ng patalim ang suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima.
Napag-alaman na unang isinugod si Alsonado sa Alabang Medical Center bago ipinasiya ng mga kaanak na ilipat sa Ospital ng Muntinlupa kung saan siya nalagutan ng hininga alas-7 ng gabi.
The post Obrero patay sa saksak ng fish vendor appeared first on Remate.