SUMIRIT pa sa walo ang kumpirmadong namatay habang 21 naman ang sugatan at may kalahating milyong katao ang apektado sa walang tigil na pag-ulan na nararanasan sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi ng NDRRMC na ang patuloy na pag-ulan na nanalasa sa may walong rehiyon sa Luzon, Visayas ay nagdulot doon ng landslides at flashfloods.
“Low pressure areas were embedded along the Intertropical Convergence Zone affecting several regions of the country (within the month of July till August),” ayon pa sa ulat ng NDRRMC.
Ang magkapatid na sina Ayen, 6 at Agustin Kaluuyan, 1- anyos, ay pawang namatay sa pagguho ng lupa sa Barangay Limpapa, Zamboanga City, habang nalunod naman si Tasvia Salatan, 38, sa Gutalac, Zamboanga del Norte.
Nalunod din ang tatlong anyos na si Marianne Kate Galaez sa Calinog, Iloilo, habang si Monita Pabilona, 84-anyos, ay namatay din sa pagkalunod sa Calinog, Iloilo.
Ang magkapatid na sina Alain Jan, 7 at Aime Gomez, 9, kapwa residente ng Lezo, Aklan ay namatay din.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 99,762 pamilya o katumbas ng 498,772 katao ang apektado ng mga pagbaha mula sa Region 4-A, 4-B, 6, 7, 9, 10, 12, at ARMM.
Maliban sa mga casualties, may mga ari-arian din ang nasira kaya naglaan ang pamahalaan ng nasa P19.8 million para sa emergency relief resources para sa mga pagkain at iba pang pangangailangan ng mga apektado ng kalamidad.
The post 8 patay, 21 sugatan at .5-M katao, apektado ng baha appeared first on Remate.