REHAS na bakal ang binagsakan ng isang mister matapos saksakin ng gunting ang kanyang misis makaraan ang pagtatalo dahil may pinagseselosan ang una sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi, Agosto 7.
Nahaharap sa kasong violence against women and their children si Bernie Billones, 35, ng Binangunan St., Maypajo.
Ginagamot naman sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng saksak sa katawan si Esperanza Billones, 31 ng nasabing lugar.
Sa ulat, alas-9 ng gabi, nagtatalo ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay dahil may pinagseselosan ang mister.
Naging mainit ang pagtatalo hanggang sa makadampot ng gunting ang suspek at itarak sa asawa.
Kahit sugatan ay nagawang makalabas ng bahay ang biktima at makahingi ng tulong sa mga barangay tanod na naging dahilan upang madala sa PDMMMC habang dinakip ang suspek.
The post Selosong mister kulong sa pananaksak ng asawa appeared first on Remate.