BUMILIS na ang pagkilos at lumakas pang lalo ang Tropical Depression Labuyo na kumikilos patungong Bicol region matapos pumasok sa Philippine area of responsibility kaninang umaga, Agosto 9, ayon sa pahayag ng state weather forecasters.
Pero ayon kay PAGASA forecaster Samuel Duran, malayo pa ito para makaapekto sa anomang parte ng bansa subalit magdadala ito ng pag-ulan sa susunod na mga araw.
Nauna rito, tinataya ng PAGASA na papasok ang naturang bagyo sa Philippine area of responsibility ng Biyernes ng hapon pero kaninang umaga pa lamang ay nakapasok na ito sa PAR .
Sa ngayon, sinabi ni Duran na ang mga pag-ulan sa ilang parte ng bansa ay sanhi ng isang low-pressure area at ng inter-tropical convergence zone (ITCZ).
Sa ipinalabas na PAGASA advisory, huling namataan si Labuyo sa layong 1,000 km silangan ng Bicol, na may taglay na lakas ng hangin na aabot sa 55 kph malapit sa sentro. Hinulaan itong kikilos ng pahilagang kanluran sa bilis na 19 kph.
Sa Sabado ng umaga, inaasahan itong nasa 840 km silangan ng Casiguran, Aurora, at 490 km silangan ng Tuguegarao City sa Linggo naman ng umaga.
Sa Lunes naman ng umaga, inaasahan itong nasa 80 km silangan ng Aparri, Cagayan.
Sinabi ng PAGASA na maaring magdala si Labuyo ng pag-ulan na 5 hanggang 10 mm per hour (moderate to heavy) sa kanyang 300-km diameter.
Samantala, sinabi ng PAGASA na may isa pang low-pressure area na nasa 65 km timog-silangan ng San Jose, Occidental Mindoro na nakabaon sa ITCZ na magdadala ng kalat-kalat na mga pag-ulan sa Southern Luzon, Visayas at Northern Mindanao.
The post ‘Labuyo’ nasa PHL territory na appeared first on Remate.