TIKOM ang bibig ng Malakanyang sa detalye ng operasyon sa pagtugis ng mga nasa likod ng sunod-sunod na pagsabog sa Maguindanao.
Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, kapansin-pansin na random ang ginagawang target ng nasa likod ng pagpapasabog sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.
Nakiusap si Valte sa publiko na maging maingat sa pagtuturo sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) bilang mga ‘di umano’y responsable sa nasabing insidente.
“Gumagalaw ang lahat ng kawani ng pamahalaan para siguraduhin na matigil na ‘yung mga ganitong pangyayari,” ani Usec.Valte.
Sinasabing ang mga diumano’y young recruits ng BIFF ay kasalukuyan ngayong nasa Kalakhang Maynila upang isagawa ang kanilang test mission.
Sa ulat, niyanig ng malakas na pagsabog ang lalawigan ng Maguindanao dakong 7:05 kaninang umaga.
Tinuran ni 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman Col. Dickson Hermoso, sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa Barangay Kibleg, North Upi, Maguindanao.
Ayon naman kay North Upi Mayor Ramon Piang, walang nasugatan sa pagsabog ngunit nagdulot ito ng sobrang takot sa mga residente.
Ang bomba ay gawa umano sa bala ng 81mm mortar, 9 volts battery at cellphone bilang triggering mechanism.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng militar at pulisya sa panibagong pagsabog sa Maguindanao.
The post Pagtugis sa mga suspek ng pagsabog sa Maguindanao, tuloy – Valte appeared first on Remate.