SA loob lamang ng 25 minuto, nabawi na agad ng awtoridad ang anak ng isang Konsehal na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Midsayap town sa North Cotabato nitong Sabado ng gabi , Agosto 10.
Sa takot na masakote, inabandona ng mga suspect ang biktimang si Mark Anthony Baya, 10-anyos, anak ni village councilor Balong Baya na hindi naman nasaktan.
Hina-hunting na ngayon ng pulisya at military ang mga suspect na lulan sa isang kulay abo na kotse na walang plaka.
Nasagip ang biktima dakong 7:45 nitong Sabado ng gabi sa isang bisinidad ng Barangay Malingao sa Midsayap.
Ayon kay Midsayap town police head Supt. Reynante delos Santos, bago ang insidente ay tinangay ang biktima ng mga suspect sa may boundary ng Barangay Tumbras sa Midsayap dakong 7:20 nitong Sabado ng gabi.
Habang itinatakas ang kanilang bihag patungong Datu Piang sa Maguindanao, tiyempong naglatag ang awtoridad ng checkpoint sa Barangay Tumbras at Nabawalag kaya biglang kumambiyo ang sasakyan ng mga suspect pero natunugan ng mga sundalo.
Sinundan at nagpaputok ng warning shots ang mga sundalo kaya biglang pinalaya ng mga kidnappers ang kanilang bihag.
Ang pagdukot sa biktima ay naganap habang inaatake ng Bansangmoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang boundary ng Barangay Aleoson at Pikit town.
The post Dinukot na anak ng konsehal, nasagip agad appeared first on Remate.