KINASUHAN kaninang umaga, Agosto 13, 2013 ng actress na si Sunshine Cruz ng violence against women and children sa Quezon City Prosecutors Office ang mister na si Cesar Montano makaraang hindi ibinalik ang kanilang tatlong anak sa tahanan ng una.
Nagpasya si Sunshine Cruz na sampahan ng kaso si Montano nang hindi tumupad na ibalik ang mga anak na tinangay ng aktor noong July 29, 2013.
Ang mag–asawang Montano at Sunshine ay hindi na nagsasama matapos malathala sa mga pahayagan ang kanilang hiwalayan, may ilang buwan na ang nakalipas.
Sa inihaing reklamo sa sala ni Assistant City Prosecutor Edilu Hayag, sinabi ni Atty. Bonifacio Alentajan, abogado ni Cruz, ang kanyang kliyente ay dumanas ng physical, mental at psychological abuse sa kamay ng mister na si Montano.
Ayon pa kay Atty. Alentajan, nilabag ni Montano ang RA 9262 matapos pagkaitan si Cruz na makapiling ang mga anak sa kabila ng ilang beses na pakiusap na ibalik sa kanyang tahanan ang mga bata.
Nabatid kay Cruz na bilang ama ng kanilang mga anak na sina Angelina Isabelle, 11, Samantha Angelene, 8 at Angel Franchesca, 7, nais niyang maprotektahan ang imahe ni Montano subalit nagmatigas siya kaya napilitan siyang magdemanda.
Sinabi ni Cruz, bilang working mother, hindi niya tinanggihan si Montano na makita ang kanilang mga anak na hinahatid pa nito sa kanya kapag may taping ang una.
Iginiit naman ni Atty. Alentajan na nagbabalak silang hilingin sa korte ang Temporary Protection Order (TPO) laban kay Montano para hindi makalapit sa kanilang mga anak ng hanggang 300 meter radius.
The post Cesar Montano kinasuhan ni Sunshine appeared first on Remate.