UMAKYAT pa sa walo ang buhay na kinarit ng Bagyong Labuyo.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Major Rey Balido Jr., na ang pinakahuli sa listahan ng kaswalidad ay nakilalang si Ronald Borja, 27-anyos na mula sa Aurora.
Ang pitong nasawi na naunang inanunsyo ay sina Jomar Salicon, 22-anyos, biktima ng landslide sa Benguet, Reynaldo Dela Cruz, 53, na nalunod sa Nueva Vizcaya, Alvin Sesante, 42, na nasawi sa matinding pagbaha sa Cebu, Nelson Fuentes, 34, na nasawi rin sa matinding pagbaha sa Cebu, Samson Dimate, 45, na namatay sa Casiguran, Aurora, Romeo Gonzales, 74, na namatay din sa Casiguran, Aurora, Benie Almario Labios, 46, na tinangay ng baha sa Isabela.
Nilinaw naman ng NDRRMC na apat na lamang ang nawawala, dahil ang pagkawala ng isang nagngangalang Danilo Tulay sa Camarines Norte ay walang kaugnayan sa pananalasa ng bagyo.
Samantala, matapos mabuksan ang mga kalsada sa tatlong bayan sa Aurora, naghahanda na ang anim na trak ng sundalo para maghatid ng relief goods sa Baler.
Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, umabot na sa halos P1 bilyon ang halaga ng pinsala ni Labuyo.
The post Patay sa Bagyong Labuyo, sumirit sa 8 appeared first on Remate.