PUMASOK na kaninang umaga sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isang bagong sama ng panahon sa silangan ng Hinatuan, Surigao.
Ayon sa panayam sa radyo kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) forecaster Connie Rose Dadivas, huling namataan ang low pressure area (LPA) sa layong 580 kilometro silangan ng Hinatuan.
Ayon kay Davidas, hindi makaaapekto ang panibagong sama ng panahaon ngunit inaasahan ang pag-ulan ngayong Sabado.
“Malayo pa ito. Wala pang epekto, bukas magpapaulan,” ayon kay Dadivas.
Wala pa rin aniyang kasiguruhan kung magiging bagyo ang naturang LPA.
“50-50 pa.”
Nabatid pa sa pinakahuling ulat ng panahon, makararanas ng maulap na may katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang silangan ng Mindanao na posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Habang magkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa silangan ng Visayas at natitirang bahagi ng Mindanao.
The post Sama ng panahon nakapasok na sa PAR appeared first on Remate.