TULOY na tuloy pa rin ang “A Million People’s March to Luneta” matapos ang isinagawang paghahanda ng iba’t ibang civic-oriented groups sa Manila Police District (MPD), kamakalawa sa Ermita, Manila.
Ito ay sa kabila ng pahayag ni Pang. Benigno Aquino III na pabor na umano siya sa pagbasura ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Sa katunayan, full alert ang status ng Manila Police District (MPD) mula ngayong araw hanggang bukas sa pagsasagawa ng mapayapang panawagan na ibasura na ang pork barrel.
Siniguro naman ni Chief Supt. Isagani Genabe, Jr., MPD District Director, sa mga lider ng mga militanteng grupo at mga sibilyan na dumalo sa dayalogo na ginanap kahapon sa MPD Rizal Hall ang siguridad ng mga dadalo sa rally.
Ayon sa kanya, magpapadala na ng action team ang MPD sa linggo ng gabi hanggang sa umaga ng Lunes bago ang itinakdang oras na magsisimula sa ganap na alas-9:00 ng umaga at inaasahang matatapos ng alas-2:00 ng hapon.
Napagkasunduan din sa nasabing pag-uusap na hindi magkakaroon ng tiyak na programa sa isasagawang rally. Magkakaroon ng kanya kanyang programa ang mga grupo ngunit iisang panawagan, “Scrap Pork.”
Magkakaroon din ng mga kanya kanyang pwesto sa Quirino Grandstand ang bawat grupo gayundin ang mga walang kinabibilangang pangkat.
Magkakaroon ng pitong ambulansya na mula sa iba’t ibang nagboluntaryong ospital, Department of Health, at National Disaster Risk Reduction Management Council at dalawang fire trucks na alerto sa anumang mga posibleng bagay na hindi inaasahan ang mangyari.
Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng mga lider ng civic groups tulad ng US Pinoys For Good Governance, Bulacan Guardians, Team Hyundai Philippines, Land Rovers Club Phils, Akbayan Youth, Grain, New Wine & Oil Ministries, Juana Change Movement Inc., SAMASA UP Alumni, Bayan at mga sibilyan tulad nina Vince Lasatin, Noemi Dado at kilalang kritiko ng simbahan na si Carlos Celdran.
The post “A Million People’s March to Luneta”, tuloy appeared first on Remate.