KAWALAN umano ng panggastos upang maipagamot ang matagal nang sakit ang dahilan kaya tuluyan nang bumigay ang isang 54-anyos na vendor sa Tondo, Maynila.
Hinihinalang may ilang minuto nang patay ang biktimang si Francisco Bocacao, may live-in partner, ng Arca-C Gate 54, Parola compound, Tondo.
Sa report ni PO3 Richard Limuco, ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 2:20 kahapon nang natagpuang patay ang biktima sa likod ng PCP Delpan sa Tondo.
Ayon kay Juana Burquin, live-in partner ng biktima, huling nakitang buhay ang biktima bandang tanghali kamakalawa ng hapon kung saan nagtitinda ng lugaw sa Divisoria.
Gayunman, nakaramdam umano ng pananakit ng tiyan ang biktima kaya sinabihan siya ni Juana na umuwi na muna hanggang sa ibalita na lamang sa kanya na natagpuan itong patay sa nasabing lugar.
Ayon kay Juana, matagal na umanong iniinda ng biktima ang pananakit ng kanyang tiyan subalit dahil umano sa kawalan nila ng pera upang maipagamot ito ay tinitiis na lamang umano nito.
The post Walang pampagamot, vendor namatay appeared first on Remate.