NALAMBAT ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang retired police colonel at kasama nito matapos pagbilhan ng shabu ang isang poseur-buyer sa Meycauayan, Bulacan.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang suspek na si retired Police Senior Superintendent (PSSupt) Romeo C. Gemzon, 63, at Joel Herrera, 47 kapwa residente ng Sto. Niño Subdivision, Barangay Perez, Meycauayan, Bulacan at umano’y high value targets ng lalawigan sa Bulacan.
Ayon sa PDEA, isang undercover agent ng PDEA Regional Office 3 (PDEA RO3) sa ilalim ni Director Adrian Alvarino ang nagkunwaring buyer ng droga at pumasok sa transaksyon ang suspek na bibili ng 100 gramo ng shabu.
Nagkasundo ang dalawa na magkikita sa kahabaan ng St. Bernadeth Street, Sto.Nino Subdivison Barangay Perez, Meycauayan, Bulacan nitong nakalipas na Agosto 23, 2013.
Matapos iabot ang illegal na droga sa poseur-buyer agad dinakip sina Gemzon at Herrera ng mga operatiba ng PDEA.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang mobile phone at dalawang P500 marked money na ginamit sa buy-bust operasyon.
“Instead of engaging in illegal drug activities, Gemzon should be enjoying the fruits of his labor after a rewarding career. Now, his drug-pushing days too, are over,” ani pa ni Cacdac.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II, of Republic Act 9165, o mas kilala sa the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
The post Ret. police colonel, 1 pa arestado sa buy-bust appeared first on Remate.