KINUYOG ng may walo hanggang 10-lalaki kabilang ang isang lesbian ang isang 27-anyos na company worker at pinagtulungan itong bugbugin at saksakin kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Marvin Nazareta, residente ng 718-B Vizcarra St., Malibay sanhi ng tinamong dalawang tama ng saksak sa tiyan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rodolfo Suquina, ng Station Investigation and Detective Management Section, ng Pasay police, palabas na ng Gin Chou Bar and Reastaurant sa EDSA malapit sa kanto ng Malibay ang mga suspek nang komprontahin umano ang mga ito ng lasing na biktima sa hindi pa batid na dahilan.
Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang ginawang pagkompronta ng biktima sa mga suspek hanggang pagtulungan siyang bugbugin ng mga ito bago nagsitakas patungo sa direksiyon ng Magallanes at iniwanan ang biktima na may tama ng saksak sa tiyan.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, umiinom din sa loob ng naturang bar ang biktima at nang malasing ay sinundan na palabas ang mga suspek at kinompronta sa hindi pa alam na kadahilanan.
The post Empleyado kinuyog na, sinaksak pa, patay appeared first on Remate.