KALABOSO ang isang nagpanggap na opisyal ng Philippine National Police (PNP) nang arestuhin ng mga tunay na pulis matapos umakto ito bilang bodyguard ng isang dayuhan sa loob ng isang bar kahapon ng madaling-araw sa Taguig City,
Kinilala ni Taguig Police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis, ang naarestong suspek na si Michael Santos, 31, residente ng Blk. 24, Lot 25, Brgy. San Lorenzo Ruiz, Taytay, Rizal.
Kinumpiska naman sa suspek ang pekeng police badge at ang suot na police jacket na may rangong Chief Inspector nang dakpin ito sa loob ng Pri Luxury Restobar sa kanto ng 5th Avenue at 26th St. Global City Fort Bonifacio alas-2 ng madaling-araw.
Ayon kay PO3 Jerry Gumabay, ng Southern Police District Tactical Operation Center (SPD-TOC), nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa kinatawan ng naturang bar dahil sa pagpasok sa loob ng kanilang establisiyento ng isang pulis habang umaakto bilang bodyguard ng isang dayuhan.
Napag-alaman na mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang tauhan o opisyal ng pulisya ang umakto bilang bodyguard at pumasok sa mga kahalintulad na establisimyento lalo na kung nakasuot pa ang mga ito ng kanilang uniporme.
Bagama’t walang nakuhang baril ang mga pulis mula kay Santos, nahaharap pa din ito sa kasong Usurpation of Authority sa Taguig City Prosecutors Office ngayong araw.
The post Pekeng pulis, kalaboso sa Taguig City appeared first on Remate.