NAGBABALA ang Food and Drugs Administration (FDA) sa mga magulang laban sa pagbili ng mga hindi rehistradong vitamin syrup.
Ito’y kasunod ng ulat na may mga pekeng vitamin syrup na ipinagbibili sa ilang paaralan sa Cagayan Valley.
Tiniyak naman ng FDA na iniimbestigahan na nila ang ulat na may vitamin syrup na may label na Citrange syrup at ginawa ng Linderbergh Food Products Valley, ang ibinebenta sa mga magulang sa halagang P380.
Sinasabing mismong sa mga paaralan pa ipinagbibili ang vitamins at may bitbit pang liham ang mga nagbebenta mula sa Department of Education (DepEd) na nag-eendorso ng nasabing vitamin syrup para mas makumbinsi ang mga magulang na bumili.
Nangangamba naman ang FDA sa posibilidad na hindi lamang ito sa Cagayan Valley ibinebenta kundi maging sa ibang rehiyon rin.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng FDA, lumilitaw na ang Citrange vitamin syrup ay hindi rehistrado, at ang FDA License to Operate ng Linderbergh ay expired na at pinaniniwalaang tumigil na ang operasyon ng Linderbergh noon pang December 2008.
Natukoy rin ng FDA na noong nag-o-operate pa ang Linderbergh ay mga flavored drink concentrates ang produkto ng mga ito at hindi vitamin syrup.
Ayon naman umano sa mga nagbebenta, ang nasabing vitamin syrup ay nakakatulong para tulungan ang mga batang may hika at pagbutihin ang memorya ng mga bata, ngunit ilang magulang naman ang nagrereklamo na mula nang uminom ng nasabing produkto ang kanilang mga anak ay naging antukin at tamad nang pumasok sa paaralan.
Kaugnay nito, kaagad na nag-isyu ang FDA ng Advisory No. 2013-030 upang balaan ang mga magulang laban sa naturang vitamin syrup.
Pinayuhan din ng FDA ang school administrators na maging vigilante at tiyakin na ang mga produktong ibinebenta sa kanilang paraalan ay rehistrado sa FDA.
The post Fake na vitamin syrup ibinabala ng FDA appeared first on Remate.