PINILI na lamang ng 37-anyos na binata na tapusin ang sariling buhay matapos hiwalayan ng kanyang kasintahan sa Las Pinas City.
Lawit na ang dila at wala nang buhay nang madiskubre ng kanyang mga pinsan at pamangkin ang biktimang si Rodel Pineda, ng 9-A Bonifacio St., Barangay Pamplona 1, ng naturang lungsod.
Sa pagsisiyasat ni PO2 Christian Yanga ng Las Piñas police Investigation and Detective Management Division, alas-8 ng gabi nang madiskubre ang biktima na wala nang buhay makaraang magbigti gamit ang sintas ng sapatos sa loob ng kanyang silid.
Ayon kay Crisval Pineda, tatlong araw na nitong napapansin ang kanyang kapatid na malungkot at mistulang laging wala sa sarili.
Nang tanungin ng kanyang mga pinsan ang biktima kung ano ang mabigat na problema, inamin ng lalaki na tuluyan nang nakipagkalas sa kanya ang kasintahan matapos aminin ng babae na may iba na siyang minamahal.
Ayon pa kay PO2 Yanga, ilang ulit nang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang kasintahan na itinago lamang sa alyas “Rica Joy” subalit muling nagkakabalikan.
Kagabi, pumasok sa silid ng biktima ang 10-taong gulang niyang pamangkin upang tawagin para sa kanilang hapunan ang biktima pero nakitang nakabitin na ang kanyang tiyuhin.
The post Binata na iniwan ng dyowa, nagbigti appeared first on Remate.