MATAPOS ang ilang araw na pagtatago, nasakote ng mga awtoridad ang isa pang pugante na tumakas sa naganap na jailbreak sa Valencia City Jail sa Brgy Pinatilan,Valencia City sa lalawigan ng Bukidnon.
Ayon sa pahayag ni Valencia City police director Supt Roy Magsalay , ang naarestong pugante na si Marlon Canoy ay nahaharap sa kasong frustrated murder.
Sinabi ni Magsalay na naaresto si Canoy matapos itong namataan ng ilang residente na naglalakad na parang hindi alam ang patutunguhan dahilan upang ipinagbigay-alam nila sa pulisya.
Ayon kay Magsalay, walong bilanggo na ang nasa kanilang kustodiya habang dalawa naman ang direktang hawak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Dagdag ni Magsala, patuloy ang kanilang paghahanap sa natitirang mga bilanggo na nagtatago kaya umapela sila sa publiko na agad isumbong sa pulisya sa oras na mamataan ang mga ito sa kanilang mga lugar.
Una nang sinabi ni Bukidnon provincial police director S/Supt Glenn de la Torre na mapanganib ang mga natitirang pugante sapagkat hawak pa rin nila ang pitong mga baril na kinabilangan ng shotguns at 9mm pistols na kanilang nakuha sa armory ng BJMP.
Kaugnay nito, ang ibang pugante na hawak na ngayon ng mga awtoridad na kinabilangan na sina Rodney Trinidad, Raymart Belmes, Jamal Sambarani, Albert Espenosa, Roel Llacuna, Rogelio Tayros, Carlos Lubos, Ronald Ga at Jorem Barros at Marlon Canoy.
Samantala, nanatiling at large ay sina Naem Usop Hadji, Roquiro Abdul Nasser, Kairama Usop, Macala Anggao, Papao Sarif, Macxi Macarampat, Ronnie Recibido, Jimmy Armecin, Jeffrey Judagon, Teofisto Villamero Jr at Dionesio Daulong na itinurong lidersa nasabing jailbreak.
Napag-alaman na nakatakas ang mga bilanggo nang hinampas nila ang noo ng isang babaeng jail guard dahilan upang magtakbuhan ang 21 inmates palabas sa nasabing kulungan.
The post Pugante timbog sa Bukidnon appeared first on Remate.