NIRE-REVIEW na lang ng National Bureau Investigation (NBI) ang mga documentary evidence na gagamitin para sa pagsampa ng kasong plunder at malversation charges laban sa mga dawit na opisyal ng gobyerno kaugnay sa kontrobersiyal na pork barrel scam.
Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ni Benhur Luy at ng iba pang mga testigo ng NBI, na nasa 14 katao ang posibleng makasuhan ng NBI sa Office of the Ombudsman sa darating na Lunes at base ito sa mga ebidensyang kanilang hawak na naisumite sa NBI.
Inihayag ni Baligod, kabilang sa listahan na kakasuhan ng plunder ay ang mga senador, kongresista, aides at iba pang mga kasabwat ng sinasabing isa sa utak ng P10 billion pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Una nang sinabi ni DoJ Secretary Leila de Lima, si Napoles pa lamang ang natitiyak na unang makasuhan habang tumanggi naman itong magbanggit ng mga mambabatas na makakasuhan.
Samantala, base sa inirekomendang makasuhan ng plunder, ay sina Gigi Reyes, Ruby Tuason, Pauline Labayen, Richard Cambe, Jose Antonio Evangelista, Rodolfo “Ompong” Plaza, Rizalina Seachon-Lanete, Edgar Valdez, Prospero Pichay at Samuel Dangwa.
Lumalabas din sa report na posibleng makasuhan sina Sen. Juan Ponce-Enrile, Ramon Revilla Jr. at Jinggoy Estrada base sa ebidensya ng mga testigo na sinasabing ginamit ang pork barrel funds sa pekeng non-government organizations (NGOs) ni Napoles.
Maliban dito, maaring haharap din sa malversation charges dahil sa pagkadawit sa PDAF scam ang nasa 40 iba pang mga government officials.
The post 14 masasampolan ng plunder case sa Ombudsman appeared first on Remate.