NATAGPUAN na ang kotse ng napatay na advertising manager na si Kristelle “Kae” Devantes, ayon sa pahayag kaninang umaga ni Interior Secretary Mar Roxas III.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Roxas na narekober na ang Toyota Altis na minamaneho ni Davantes sa isang bisinidad sa Camella 4, Pamplona 3, Las Pinas pero nakilala ito sa pamamagitan ng conduction sticker na nakadikit sa windshield dahil nawawala ang plate number nito na PIM-966 sa unahan at hulihang bahagi ng sasakyan.
Sinabi rin ni Roxas, tinangkang sunugin ang kotse ni Davantes pero dahil biglang tumunog ang car alarm ng sasakyan kaya ang glove compartment lamang ang nasunog.
Kataka-taka rin na wala na ang apat na upuan ng kotse ni Davantes na hinala ng pulisya na posibleng sinadyang alisin para walang makuhang ebidensya.
Kinuha na ng tauhan ng SOCO teams ang ilan pang mga gamit na naiwan sa loob ng sasakyan para ipakita o kilalanin ng pamilya ni Davantes.
Tiniyak din ni Roxas ang pamilya at mga kabigan ni Davantes na walang palalampasin na anggulo sa nasabing kaso.”
Nitong nakaraang Huwebes lamang, nagbigay ang Metro Manila police ng kanilang mobile phone hotlines para magkaroon ng lead sa pagpatay sa lady advertising manager na nawala sa southern Metro Manila at natagpuan ang bangkay sa Cavite nitong nakaraang Linggo lamang.
Nito namang nakaraang Miyerkules, inatasan ni Pangulong Noynoy Aquino si Metro Manila police head Chief Superintendent Marcelo Garbo Jr. na lutasin agad ang pagpatay kay Davantes.
Si Davantes, 25, ay isang account manager ng McCann Worldgroup Philippines’ MRM Manila. Nawala ito habang minamaneho ang kanyang kotse noong nakaraang Sabado ng madaling-araw at kinabukasan ay natagpuan ang bangkay sa ilalim ng isang tulay sa Silang, Cavite.
The post Kotse ni Davantes natagpuan na appeared first on Remate.