NATUKLASAN ng mga awtoridad na isinilid sa basyo ng drinks-in-can ang explosibong sumabog sa Cinema 1 ng SM Mall ng Ecoland at Cinema 5 ng Gaisano Mall na kapwa nasa JP Laurel Ave., Davao City.
Ipinabatid ito ni Senior Supt. Ronald Dela Rosa, City Director ng Davao City Police Office kasunod nang pagtatapos ng Explosives and Ordnance Division at Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa reconstruction nang sumabog na mga parte ng bomba at nakita na ginamitan ito ng pulbura at baterya.
Ayon kay Dela Rosa, madaling naipasok ang pampasabog na inilagay sa drinks-in-can sa loob ng sinehan nang hindi napansin ng mga guwardya.
Pinag-aaralan pa ng Sta. Ana-Philippine National Police at Talomo-PNP ang mga kuha o footage mula sa mga nakakabit na CCTV para kilalanin at matukoy ang mga suspek na nagtanim ng bomba.
Samantala, mahigpit na itinanggi ng City State chairman ng Moro National Liberation (MNLF) sa Davao City na may kaugnayan ang grupo sa pagsabog sa dalawang sinehan sa lungsod.
Ayon kay Rolando Olamit, mayroong third force na nais guluhin ang Davao at idawit ang MNLF.
Hindi naman pinangalanan ni Olamit ang grupong na sinasabing third force.
The post Pampasabog sa 2 sinehan sa Davao City, inilagay sa lata ng inumin appeared first on Remate.