UMAABOT na sa 88 katao ang dinakip ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa Metro Manila kaugnay ng kampanya laban sa iligal na paputok.
Sa ulat ng NCRPO, umaabot na sa 170 ang operasyon na kanilang isinagawa hanggang alas-7 kahapon ng umaga. Sinampahan na rin umano nila ng kaukulang kaso ang 88 katao na kanilang dinakip dahil sa pagbebenta, pagdadala, at pagpapaputok ng iligal na paputok.
Sa kanilang datos, aabot sa 639 kahon, 660 piraso, at 12 reams ng “piccolo” ang kanilang nakumpiska, isang trak ng iba’t ibang uri ng paputok sa Maynila, 2 pick-up van na puno ng paputok sa Quezon City, at 2 jeep na puno ng paputok sa Eastern Police District (EPD).
Nasa siyam na katao rin ang inaresto at sinampahan ng kaso dahil sa “indiscriminate firing” kung saan nakumpiska ang anim na baril at mga bala habang 4 na stalls ang ipinasara at 35 tindero ang kinasuhan.
Sa kabila nito, inaasahan mas darami pa ang bilang ng madadakip sa pagsalubong ng Bagong Taon kung saan iniutos ni NCRPO Director Leonardo Espina ang mas mahigpit pang pagbabantay at operasyon ng kanyang mga tauhan laban sa mga pasaway na manininda, nagpapaputok at maging mga lasenggong nag-iinuman sa kalsada.