PINAG-AARALAN na ngayon ng Guimbal Municipal Police Station ang pagsasampa ng karagdagang kaso sa apat na mga bading na pumuga noong Linggo ng madaling-araw maliban pa sa kinakaharap ng mga ito na robbery.
Tatlo sa apat na pumuga ay nahuli na ng mga pulis.
Unang nahuli ng mga otoridad sa Brgy. San Juan, Molo, Iloilo City sina Jofel Gerafil at Jorgie Cecil kahapon ng hapon at kagabi naman ay naaresto sa plaza ng Jaro sa lungsod pa rin ng Iloilo si Dave Vasquez.
Patuloy pang hinahanap ang isa pa na si Rodney de Asis.
Ayon kay Vasquez, si De Asis umano ang nagpasimuno ng kanilang pagtakas kung saan binuksan nito ang kandado ng kanilang selda gamit ang wire ng bra.
Napag-alaman na dahil mga bakla, suot ng mga ito ang bra at ang wire na ginamit nila sa pagbukas ng kandado.
Dalawang araw umano nilang pinagtiyagaan ang pagbukas ng kandado hanggang sa magtagumpay at noong Linggo nga ng madaling-araw ay sinamantala nila habang malakas ang buhos ng ulan ay saka tumakas ang mga ito.
Tiniyak naman ng Guimbal PNP na wala nang suot pa na bra ang mga suspek na maaring magamit ulit sa kanilang pagtakas.
Bagamat problema ang idinulot ng pagtakas ng mga ito, nabigyan naman ng ideya ang mga pulis na delikado rin pala ang bra sa mga inmates.
The post 4 bading na pumuga, kakasuhan appeared first on Remate.