DALAWANG kasapi ng Special Action Force (SAF) ng PNP ang nadagdag sa bilang ng kaswalidad sa tropa ng pamahalaan sa bakbakan na pinasiklab ng Misuari faction ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Sinabi ni Chief Insp. Ariel Huesca, na ang dalawang pulis ay malubhang nasugatan sa nangyaring engkuwentro kahapon ng hapon sa may Barangay Sta. Catalina at Barangay Sta. Barbara at hindi umabot ng buhay sa pagamutan.
Sa ika-17 araw ng Zamboanga standoff, umaabot na sa 18 ang namatay sa tropa ng pamahalaan.
Sa unang araw ng pag-atake ng mga rebelde hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa lima ang patay sa panig ng PNP habang nasa 14 ang sugatan at 13 naman sa AFP na may 140 sugatan.
Sa mga rebelde naman at sa record ng Police Regional Office (PRO-9), ay nasa 106 na ang patay habang 24 naman ang sumuko at 108 ang naaresto.
Umaabot na rin sa 12 ang mga inosenteng sibilyan na namatay sa mahigit kalahating buwan na pananatili ng mga rebeldeng MNLF sa lungsod kabilang na rito ang ilang hostage na tinamaan ng mga bala habang nasa kamay ng armadong grupo.
Sa kabuuan, umaabot na sa 139 ang namatay sa mahigit kalahating buwan na kaguluhan sa lungsod.
The post 2 pang PNP-SAF, napatay sa Zamboanga crisis appeared first on Remate.