PINAKAKASUHAN na sa hukuman ng Department of Justice ang tatlo sa mga suspek sa pagpatay sa advertising executive na si Kae Davantes.
Sa magkahiwalay na inquest resolution na aprubado ni Prosecutor General Claro Arellano, kasong robbery with homicide ang isasampa laban kina Lloyd Benedict Enriquez at Reggie Diel, habang robbery naman ang ihahain laban kay Samuel Decimo.
Ang resolusyon kina Enriquez at Diel ay direktang may kinalaman sa pagpatay kay Davantes na natagpuang patay sa ilalim ng isang tulay sa Silang, Cavite noong September 7, 2013.
Sa kapareho ring resolusyon na pirmado ni Prosecution Attorney Omar Cris Casimiro, inirekomenda naman na maisalang sa preliminary investigation kaugnay sa nangyaring pagpatay kay Davantes ang iba pang suspek na sina Samuel Decimo, Kelvin Jorek Evangelista, Jomar Pepito at Baser Minalang.
Ito ay dahil si Enriquez na naaresto ng Muntinlupa Police at Diel na kusang sumuko sa mga awtoridad ang naiharap lamang ng CIDG sa inquest proceedings noong Martes ng madaling-araw.
Samantala, sa hiwalay namang resolusyon na pirmado ni Prosecution Attorney Agnes Farida Arellano, pinasasampahan ng kasong robbery si Decimo kaugnay naman ng kinasangkutan nitong hiwalay na insidente ng panghoholdap sa isang jeepney sa Bacoor, Cavite noong Setyembre 20, 2013.
The post 3 pumatay sa ad exec, pinakakasuhan na appeared first on Remate.