KALABOSO ang anim katao na sangkot sa pagnanakaw ng relief goods para sa mga nabiktima ng super typhoon Yolanda makaraang maaresto ng mga tauhan ng Philippine Air Force (PAF) na nakatalaga sa “Oplan Salubong” sa Villamor Air Base kagabi sa Pasay City.
Nakatakdang sampahan ng kasong pagnanakaw ng Regional Director ng Department of Social Welfare and Development, National Capital Region (DSWD-NCR) ang mga naarestong suspek na sina Remar Saringan, 40, Reynaldo Fontanilla, 56, Larcy Fontanilla, 36, Percival Nuez, 47, Adelaida Esteves, 55 at Zaldy Nuez, 52, pawang ng Sycamor St., Kingsville Hills, Antipolo City makaraang madakip habang patakas na bitbit ang mga ninakaw na relief goods na nagkakahalaga ng mahigit P800,000.
Batay sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Pasay City police, nagkunwaring mga volunteer ang mga suspek upang tumulong sa pamamahagi ng pagkain sa mga biktima ng Yolanda habang abala naman sina Saringan, Nuez at Esteves sa paglalagay ng relief goods sa plastic bag na kanilang tinitipon sa isang lugar.
Dumating ang isang van mula sa MIAA motorpool alas-9 ng gabi kung saan minamaneho ito ni Fontanilla at kaagad na isinakay ang mga tinipong relief goods subalit lingid sa kanilang kaalaman ay tinitiktikan na pala sila ni T/Sgt. Bobby Abner Dela Cruz, kaya’t bago pa man makaalis ay nasakote na sila sa gate ng Villamor Air Base
Gayunman, nang dalhin sa Pasay City General Hospital upang ipasuri ang mga suspek, nakapuslit patakas si Zaldy Nuez nang hindi namamalayan ng mga awtoridad.
Dinala ng mga tauhan ng Security Forces Squadron sa Pasay city police ang mga suspek na kasalukuyang nakaditine sa detention cell ng nabatid na istasyon ng pulisya.
The post 6 katao arestado sa pagnanakaw ng relief goods appeared first on Remate.