PINAGHAHANAP pa rin ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na mangingisdang limang araw nang nawawala sa Dasol, Pangasinan.
Sinabi ni Police S/Insp. Bernardo Cerezo, hepe ng Dasol Police Station, na noong nakaraang Martes, Nobyembre 26 pa naglayag ang mga mangingisdang sina Joey Bundal, Danilo Bayale, Disederio Bundal, at Rodulfo Caoile, pawang residente sa Brgy. Uli sa nasabing bayan, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakababalik.
Hindi naman agad ipinarating sa awtoridad ang insidente dahil inaasahan ng kanilang mga kaanak na makababalik din sila agad matapos mangisda sa karagatang sakop ng Scarborough Shoal.
Tiniyak naman ni Cerezo na ginagawa nila ang lahat upang mahanap ang mga nawawalang mangingisda.
Nabatid na lulan lamang ng isang maliit na bangka ang mga mangingisda nang maabutan ng malakas na ulan sa kanilang paglalayag.
The post 4 mangingisda sa Pangasinan, 5 araw nang missing appeared first on Remate.