PINAIGTING ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang kampanya kontra mga isnaberong taxi driver matapos ang isinagawang kampanya sa mga mall at matataong lugar.
Ayon kay Jayson Salvador, spokesperson ng LTO, bukod sa mga unit ng LTO mobile at motorcycle personnel kasama sa augmented traffic enforcers ng ahensya ang PNP-National Capital Region Police Office, Metropolitan Manila Development Authority at PNP-Traffic Management Group para sa kampanyang Oplan Isnabero.
Ayon kay Salvador ang mga public utility vehicle kabilang ang taxi driver ay itinuturing na public servant at walang karapatan na tumangging magsakay ng mga pasahero.
“Bawal po yun, may corresponding fines and penalty po ang pagtanggi ng pagsasakay ng commuter,” ani pa ni Salvador.
Sinabi pa nito na sa ilalim ng programa, ang LTO ay magsasagawa ng randomly patrol sa mga matataong lugar sa Metro Manila, kabilang ang Ninoy Aquino International Airport at mga malls.
Sa ilalim ng programang ”Oplan Isnabero” pangunahing huhuli sa mga isnaberong taxi driver ang LTO-Law Enforcement Section traffic enforcers na tumatangging magsakay ng kanilang mga pasahero at iba pang traffic violations.
Isinagawa ang kampanya matapos makatanggap ng mga reklamo ang Department of Transportation and Communications at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (DoTC-LTFRB) hinggil sa reklamo ng mga pasahero dahil sa pagtangging magsakay ng mga taxi driver.
The post Kampanya vs isnaberong taxi pinaigting ng LTO appeared first on Remate.