AKSIDENTENG pumutok ang service firearm ng isang security guard na nagresulta naman ng kamatayan ng kanyang kaibigang janitor kaninang umaga sa gusali ng Cinerama Complex, Quiapo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Rexon Villarin, 19, tubong Nueva Ecija, janitor sa nasabing sinehan at residente ng 804 Sevilla St., Binondo, Maynila.
Kusang sumuko naman ang suspek na si William Sacaris, 25, ng Paloma Building, Severino Reyes St., Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa pulisya, alas-8:30 kaninang umaga nang maganap ang insidente sa nasabing sinehan sa ikalawang palapag.
Ayon naman sa suspek, nahulog ang kanyang service firearm na .38 pistol at aksidenteng pumutok at tinamaan ang kaniyang kaibigan sa tagiliran.
Dali–dali namang naisugod sa Jose Reyes Memorial Medical center ang biktima ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Ang suspek ay sasampahan ng reckless imprudence resulting to homicide.
The post Janitor utas sa boga ng sekyu sa Quiapo appeared first on Remate.