PATAY ang isang kawani ng kompanyang gumagawa ng table napkin nang bumigay ang tinutuntungang plywood habang nagsasaayos ng salansan ng kahon ng produkto kahapon sa Taguig City.
Dead on arrival sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Edmark Alamo, 27, ng 1584 Brgy. Moonwalk, Purok 7, Multinational Village, Parañaque City sanhi ng pinsala sa ulo at katawan.
Sa imbestigasyon, nangyari ang aksidente alas-2:35 ng hapon sa loob ng Sanitary Care Products of Asia (SCPA) sa 1st Avenue, 15-A Sta. Maria Industrial Estate, Sta. Maria Drive, Brgy. Bagumbayan, Taguig City.
Kasama ng biktima ang kapwa empleyado na si Edjay Galindo, 19, sa pagsasaayos ng salansan ng mga kahon na naglalaman ng table napkin sa 3rd level ng bodega nang bumigay ang tinutuntungan niyang plywood na naging dahilan ng pagbagsak niya sa baldosa.
Napag-alaman na inireklamo na ng ilang kawani ang luma at halos nabubulok nang plywood na ginagamit nila bilang tuntungan sa pagsasaayos ng produkto sa bodega subalit hindi ito naaksiyunan ng kompanya.
Ipinaubaya naman ng pulisya sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang anomang pananagutan na posibleng sagutin ng kompanya sa nangyaring insidente.
The post Lalaki patay sa tinutuntungang plywood appeared first on Remate.