NAIBULONG ng biktima na isang pulis ang responsable sa pamamaril sa kanya bago ito nalagutan ng hininga.
Kaugnay nito, bagamat hindi pa kinumpirma ng pulisya, “illicit affair” ang isa sa tinitingnang motibo sa nangyaring pamamaril sa kahabaan ng provincial road na sakop ng Barangay Quirino, Bacnotan, La Union na ikinamatay ng isang ginang.
Ang biktima ay kinilalang si Cecile Salangga-Grande, 31, ng Barangay Parian, San Fernando City, La Union habang ang suspek ay itinuturong si PO2 Carlos Nastor.
Ayon kay P/Insp. Reggy Dalipias, deputy chief of police ng Bacnotan Police Station, nakilala ang tumakas na suspek matapos masambit ng biktima ang pangalan nito sa mga rumespondeng pulis, bago namatay dahil sa isang tama ng baril sa leeg.
Si Nastor ay naka-assign sa La Union Police Provincial Office PPSC-SWAT na nakabase sa Camp Diego Silang, Barangay Carlatan, San Fernando City La Union.
Bago hinuli ang suspek sa mismong kampo, isang tricycle driver ang nakakita sa duguang biktima sa gilid ng kalsada at nag-report sa pulisya.
Dinala ng mga awtoridad ang biktima sa Bacnotan District Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Samantala, kinumpiska mula sa suspek ang isang 9mm pistol na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril.
Nanatili naman ngayon sa kustodiya ng Bacnotan Police Station ang suspek.
The post Pulis naibulong ng binoga na ginang bago namatay appeared first on Remate.