WALA pa mang lumulutang na testigo o may kakilala para matukoy ang road rage shooter na nakabaril sa 9-anyos na babae sa Quezon City kamakailan, hawak na ngayon ng pulisya ang closed circuit television (CCTV) camera na nagpapakita sa plaka o plate number ng sasakyan ng suspek.
Sa nasabing video footage, naaaninag ang plaka ng kulay puting Hyundai na minamaneho ng suspek at sa pamamagitan ng high-tech equipment ay mababasa ang mga letra at numero ng plate number lalo na kung ito ay ipi-play ng frame by frame.
Ang maganda pa rito, may dalawang bersyon ang video footage na ang isang shot ay nakaharap ang naturang sasakyan sa camera at ang isa naman ay sa likuran ng sasakyan.
Nakuha ang naturang video footage sa nakakasang CCTV sa isang bahay sa M.H. del Pilar St., sa Barangay Bungad.
Bukod naman sa bagong breakthrough, nakipag-ugnayan na rin ang mga tauhan ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Hyundai Motors Philippines upang malaman kung sino sa kanilang mga kliyenteng may parehong deskripsyon ng sasakyan ng suspek na isang Hyundai Sta Fe.
Kapag nakakuha ng impormasyon, isusunod naman na puntahan ng CIDU ang Land Transportation Office para mas makakuha pa ng ibang detalye.
Samantala, isinumite na rin ng CIDU sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame ang mga basyo ng baril na nakuha sa crime scene para isailalim sa ballistic examination.
Kaugnay nito, sinabi naman ng tatay ng biktima na ayaw magpabanggit ng pangalan, may nakapagsabi sa kanya na ang suspek ay isang Filipino-Chinese.
Hindi naman maisampa ng mga pamilya ng biktima ang kaukulang kaso laban sa suspek dahil abala sila sa pag-aalaga sa kanilang anak.
The post CCTV footage, susi sa road rage shooter sa QC appeared first on Remate.