UMABOT sa 23 iba’t ibang uri ng mga baril ang natangay ng New People’s Army (NPA) sa kanilang paglusob sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Kibawe, Bukidnon nitong Huwebes ng madaling-araw.
Ito’y batay sa inisyal na imbentaryo na ikinasa ng pulisya kaninang umaga matapos ang sorpresang pag-atake ng mga rebelde sa Kibawe Police Station na ikinamatay nina SPO3 Rodelfin Alonzo at PO3 Jonard Jovan habang sugatan naman sina PO2 Junrey Manigo at P02 Eleazar Lacoste.
Ani S/Insp Butch Ian Minosa, hepe ng Kibawe Police Station, kabilang sa natangay ng mga rebelde ay ang limang M-16 armalite rifles, tatlong 9mm, tatlong .45 pistols habang walo pang baril na nagmula sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa nasabing bayan.
Ayon kay Minosa, kinuha rin ng mga rebelde ang computers, hand-held radios, cellphones at police uniforms.
Samantala, inamin naman ni PNP regional deputy director for administration C/Supt Lyndel Disquitado, na may pagkukulang sa paghahanda ang kanilang mga tauhan nang umatake ang mga rebelde.
Ayon kay Disquitado, bagamat nakapanlaban pa ang mga biktima pero dahil outnumbered ng mga kalaban na umaabot sa 100 ay hindi ito kinaya na naging dahilan para malagas ang dalawa sa kanila.
Subalit nilinaw naman nito na walang nangyaring failure of intelligence sa panig ng pulisya kahit sila ay inatake ng mga kaaway.
Inihayag nito na simula ng Oktubre ay panay na ang kanilang pag-alerto sa buong rehiyon pero hindi nila inaasahan na ganoon karami ang umatake sa Kibawe Police Station.
Sa ngayon, patuloy na isinasagawa ang pursuit operation katuwang ang militar laban sa mga suspek na pinaniwalaang nasa paligid pa lamang at hindi pa nakakalayo sa lalawigan ng Bukidnon.
The post UPDATE: 23 armas natangay ng NPA sa Bukidnon police station appeared first on Remate.