PITONG informants ang tumanggap ng P4.3 milyong reward mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang flag-raising ceremony sa PDEA national headquarters sa Quezon City kaninang umaga, Disyembre 16, 2013.
Pinapurihan ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr. ang pitong informants na kinilala sa codenames Segul, Mac-mac, Balik Loob, Ebok, Coca, Cold Ice at Jows, dahil sa pagbibigay ng impormasyon sa anti-drug na nagresulta ng pagkakadakip sa ilang target drug personalities at pagkakakumpiska ng mga ilegal na droga sa PDEA Operation Private Eye (OPE).
Ayon sa PDEA, ang reward at incentive scheme ay para hikayatin ang mga pribadong mamamayan na ireport ang sino mang may suspected illegal drug activities sa kanilang komunidad.
Ani ni Cacdac, ang pitong informant na pawang nakasuot ng ski masks ay kinilala lamang sa kanilang codenames para tiyakin ang kanilang seguridad.
Kabilang sa informants na tumanggap ng malaking reward ay si Jows na nagkakahalaga ng P1,556,995.63 dahil sa pagbibigay ng information na nagbigay daan sa pagkakakumpiska ng 36.7 kilos ng shabu at pagkakadakip sa Chinese national at kanyang kasabwat na Filipino nitong nakalipas na Nobyembre 29, 2013 sa Mexico, Pampanga.
Nitong nakalipas na linggo 22 civilian informants ang tumanggap ng P12.9 milyon cash reward sa ilalim na PDEA Operation Private Eye.
The post 7 informants binigyan ng P4.3M pabuya ng PDEA appeared first on Remate.