NAMATAY ang isang lalaki matapos saksakin ng kanyang sariling pamangkin dahil sa pambu-bully sa Barangay Balaogan, Bula, Camarines Sur.
Kinilala ang napatay na si Meliton Habagat, 42.
Ayon kay C/Insp. Alejandro Monge, nag-iinuman ang magkakapatid na Ordy, Nilo, Meliton at Herminio Habagat nang dumating ang lasing nilang pamangkin na si Joseph, 23.
Armado ito ng isang samurai na may habang 18 pulgada at walang pag-aalinlangang sinaksak sa kaliwang dibdib ang tiyuhing si Meliton.
Nasugatan naman sa kamay ang mga kapatid ng biktima nang awatin ang suspek na sinasabing napuno na sa kanyang tiyuhin dahil sa pambu-bully sa kanya.
Ayon kay Monge, mula pagkabata ng suspek ay palagi itong “inaasar” ng kanyang tiyuhin at magkaminsa’y binabatukan pa.
Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit dahil tumagos sa puso ang saksak, hindi na ito umabot pa nang buhay.
Labis-labis naman ang pagsisisi ng suspek na agad na isinuko ng ama sa mga pulis.
The post Tiyuhin tigok sa pambu-bully ng pamangkin appeared first on Remate.