TIGBAK ang 35-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng riding in-tandem sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kagabi, Disyembre 20, 2013.
Kinilala ang biktima na si Roy Melanes ng 972 Riverside St., Unit 3, Brgy. Commonwealth, QC na nasawi noon din dahil sa tama ng bala ng baril sa katawan.
Ayon kay PO2 Amante Cabatic ng Quezon City Police District station 6 Batasan, naganap ang insidente sa Riverside St., Brgy. Commonwealth, alas-11 kagabi.
Sinabi ni PO2 Cabatic na naglalakad ang biktima patungo sa kalapit na karinderya para bumili ng pagkain nang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang hindi kilalang lalaki saka pinagbabaril ang biktima.
Matapos matiyak na wala nang buhay ang biktima ay tumakas ang mga suspek.
Lumalabas na dating nasangkot ang biktima sa pagnanakaw ng mga kawad ng kuryente sa kanilang barangay at ilang beses na ring inireklamo sa kanilang barangay dahil sa naturang insidente.
Hinala ng mga awtoridad na itinumba ang biktima ng mga pinaniniwalaang vigilante group sa lugar.
The post Kelot itinumba ng vigilante group sa QC appeared first on Remate.