DALAWANG lalaki ang namatay matapos barilin ng hindi kilalang salarin sa magkahiwalay na insidente sa Quezon City kagabi, Disyembre 21, 2013, Sabado.
Sa unang insidente ng pamamaril ay namatay ang biktimang si Carlos de Guzman na nakilala sa kanyang identification card na nakuha sa kanyang katawan.
Si De Guzman ay nasawi dahil sa tama ng bala ng kalibre .45 baril sa kanyang ulo.
Ayon kay SPO1 Pascual Fabreag ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente malapit sa no. 34-B Fema Road, Brgy. Bahay Toro, dakong 10:25 kagabi.
Sinabi ni SPO1 Fabreag na nanonood ng telebisyon ang witness na si Josephine Laurente nang makarinig ng putok ng baril.
Nang silipin nito ang pinanggalingan ng putok ng baril, nakita nito ang biktima na nakahandusay sa kalye at wala nang buhay.
Samantala, kaugnay nito, patay rin sa pamamaril ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na tinatayang nasa 35 hanggang 40 anyos, 5’5 ang taas, nakasuot ng kulay green na t-shirt, dark blue short pants, kayumanggi ang balat at may tattoo sa kaliwang braso na Evelyn Jeproks Murphy.
Nabatid kay SPO1 Pascual Fabreag (QCPD-CIDU), nakitang nakahandusay ang biktima dakong 9:30 kagabi, malapit sa Verde Real Home Pluto St., Brgy. Bahay Toro, QC.
Nakita ng residenteng si Tito Cortesmo na nakahandusay ang biktima sa lugar matapos makarinig ng putok ng baril sa lugar.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung magkaugnay na kaso ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril.
The post 2 patay sa pamamaril sa Quezon City appeared first on Remate.