SA darating na 2014 ay may bayad na ang anomang basura na makokolekta ng Quezon City government mula sa mga residente ng lungsod.
Ito ay makaraang aprubahan ng Quezon City council sa ikatlo at huling pagbasa ang ordinansa na layuning bayaran ng mga taga-QC ang nakokolektang basura sa kanilang lugar.
Ang naturang ordinansa ay takda namang lagdaan ni QC Mayor Herbert Bautista para sa pagpapatupad.
Ang ordinansa na iniakda ni QC District 1 Councilor Victor Ferrer, Jr. ay nagsasaad na magbabayad ng annual garbage fee na mula P100 hanggang P500 ang mga residente ng QC depende sa rami at bulto ng basura na nakokolekta at mas mataas na halaga naman ang sisingilin sa homeowners’ associations at mga may-ari ng matataas na gusali, apartments at condominiums.
Ang homeowner na ayaw mag-comply ay pagmumultahin ng 25-percent na mas mataas na babayaran sa makokolektang basura at 2-percent monthly interest hanggang sa ito ay mabayaran.
Umani naman ng negatibong reaksyon ang naturang ordinansa at nagsasabing ang pagkolekta ng basura sa mga kabahayan ay dapat ilibre ng lokal na pamahalaan dahil bahagi ito ng kanilang serbisyo.
Sinasabing ang pondo na makokolekta mula rito ay ilalagay sa isang special account para gamitin sa epektibong pagpapatupad sa solid waste at garbage collection sa lungsod.
Pantulong din ang pondo mula rito sa pangangalaga sa basura ng tumataas na populasyon sa lungsod.
The post Kokolektahing basura sa mga taga-QC, may bayad na appeared first on Remate.