ISANG lolo ang nabiktima ng ligaw na bala sa Dasmariñas, Cavite sa bisperas ng Pasko.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril at nagpapagaling na sa pagamutan ang biktimang si Victorino Pandungan, 68.
Ayon kay P03 Elmod Cabuloy, nakatayo lamang ang biktima sa loob ng kanyang bahay sa South Villas, Barangay Salitran nang tamaan ng bala sa kaliwang hita.
Sa kabutihang palad, may kasama sa bahay ang biktima kaya naitakbo rin agad sa ospital.
Sa talaan ng Cavite Provincial Police Office, si Pandungan ang kauna-unahang biktima ng ligaw na bala sa probinsya.
Iniimbestigahan na ng pulisya, kung sino sa mga kapitbahay ng biktima ang nagpaputok noong bisperas ng Pasko.
The post Lolo, sugatan sa tama ng ligaw na bala appeared first on Remate.