NAKAPASOK na sa bansa ang Mexican Sinaloa drug cartel, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang lumutang matapos ang matagumpay na operasyon sa Lipa, Batangas nitong Disyembre 25 kung saan higit P400 milyong halaga ng shabu ang nasabat.
Lumilitaw na ang naarestong si Garry Tan, Filipino-Chinese, at nagmamay-ari ng sinugod na farm na si George Torres, Filipino-American, ay kapwa konektado sa Mexican drug cartel.
Kasamang naaresto ni Tan sina RJ Argenos at Rochelle Argenos na mga caretaker ng nasabing farm.
Sinabi ng PNP na sa ibang bansa gawa ang mga iligal na droga at in-import lamang.
Sinasabing nasa labas ng bansa si Torres at mga kasabwat pa nitong sina alyas “Joey” at “Jaime” na kapwa Mexican national.
Sa harap nito, tiniyak ng PNP na tututukan nila ang lahat ng konektado sa grupo.
Hangad ng awtoridad na umigting pa ang kooperasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan para mapuksa ang mga ganitong grupo.
Dahil aminado ang PNP na sa laki ng bansa at maliit na bilang ng tauhan, mahirap bantayan ang mga posibleng entry point.
The post Mexican drug cartel, nakapasok na sa bansa appeared first on Remate.